Ano ba ang Homeschooling?
- cyndikath

- Feb 2, 2020
- 2 min read

Ano nga ba ang Homeschooling? Kung tutuusin, napakasimple lamang ng konsepto ng homeschooling. Sa halip na ipaubaya o ipagkatiwala sa mga eskwelahan ang ukol sa edukasyon ng mga anak ay pinipili ng mga magulang na akuin ang kabuuan nito.
Sa medaling salita, ang tahanan ang nagiging sentro ng pagkatuto at pag-aaral ng isang bata. Ang mga magulang ang nagiging pangunahing tagapagturo. Maingat nilang ginagabayan ang kanilang mga anak para mapaunlad ang kanilang isipan maging ang emosyonal at pisikal na aspeto. Sa homeschooling, ang mga magulang ang personal na pumipili ng mga pag-aaralan ng bata ayon sa hilig, interes, at kakayanan nito. Ibang-iba ito sa paaralan kung saan ay iisa ang itinuturo at dapat matutunan ng mga bata sa kabila ng katotohanan na may kanya-kanya silang kaalaman at kakayahan.
Ang homeschooling ay maituturing na mas nakatuon sa tinatawag na academic excellence (o kahusayang pang-akademiko). Bakit? Dahil sa pilosopiyang pang-edukasyon (educational philiosophy) na ito ay pag-aaralan ng bata ang kurikulum na sadyang idinisenyo para sa kanya lamang. Sa ganitong paraan, mas mapapalabas ang totoong potensiyal ng isang bata, maari din siyang matuto ayon sa kanyang sariling bilis, at kung may mga aspeto man na nahihirapan siya ay mas mapagtutuunan niya iyon ng pansin hanggang sa matutunan ito ng maayos.
Marami ang nag-iisip na ang homeschooling ay tila ba pagkukulong o paglalayo sa bata sa ibang tao. Isa ito sa mga maling isipan ukol sa homeschooling kung saan ay mas napapalawak ang kaalaman ng mga bata dahil naisasama sila sa mga lugar kung saan ay mas marami silang nakikita at natututunan gaya ng zoo, parks, at kung anu-ano pa. Mas nae-expose ang mga batang homeschooled sa mga first-hand experiences at activities kumpara sa mga nasa eskwelahan.
Sa pamamagitan din ng homeschooling ay mas nabubuo ang pagmamahalan at mas nagiging malapit sa isa’t-isa ang mga magulang at anak maging ng magkakapatid. Ang mga magulang ang nagiging pangunahing impluwensiya sa pagkatuto. At isa pa, ang mga batang homeshooled ay mas nagkakaroon ng pagkakataong makihalubilo, hindi lamang sa mga batang kasing-edad nila, kundi sa mga taong may iba’t-ibang edad at kaalaman na mas nakakatulong sa pagbuo ng malawak na kaalaman.
Ang mga magulang na nagpasiyang i-homeschool ang kanilang mga anak ay nakakaintinding mabuti na hindi lamang intellectual intelligence ang dapat na bigyang pansin at tutukan. Mahalaga ring magabayan sila sa pagbuo ng kanilang sariling pagkatao. Nais ng mga homeschooling parents na sila ang maging impluwensiya sa kanilang mga anak sa halip na ipaubaya ito sa mga institusyon na hindi naman kayang gabayan at tutukan ng mabuti ang bawat bata na naroroon. Isa ring paraan ang homeschooling para sa mga pamilya na gustong maging malaya sa pagpaplano ukol sa mga aktibidad na isinasagawa o nilalahukan nila. Bilang panghuli, ang homeschooling ay tungkol sa pagtulong sa mga bata kung paano kumilos at mag-isip ng hindi gaanong umaasa sa iba.
Maraming mga dahilan at rason (na tatalakayin natin sa ibang blog post) kung bakit pinipili ng mga pamilya na mag-homeschool. Kailangan rin nating maintindihan na hindi lahat ng tao ay bukas ang isip sa homeschooling philosophy. Kaya kung nag-iisip kayo ng iyong pamilya na subukan ang homeschooling, mahalagang maging handa kayo sa mga negatibong reaksiyon at opinyon ng mga tao sa inyong paligid.
Comments